Bundokology 101

May iba't ibang kultura ang namumundok na pinoy.

May mga umaakyat sa kadahilanang ibig nilang pangalagaan ang kalikasan. Sila ay iyong may intensyong maglinis ng mga bundok na kinalatan. Magtanim sa mga kinalbo. Manood ng mga wildlife at kakaibang mga ibon. Panoorin ang nagkikislapang bituin sa gabi.

Mayroon namang umaakyat upang manatiling malusog. Sila iyong mga nagdadala ng maliit na kiluhan at tinitimbang bawat kakainin. Bawal ang beef, bawal ang de lata, bawal ang alak, bawal ang energy drink (anak ng...!). Sila iyong magpapaalala sa iyo na halos lahat ng kinakain mo ay lason. Yay!

Mayroon namang umaakyat sapagkat ito ay ang kanilang passion. Sila iyong mga sumasali sa bawat kurso at training tungkol sa pag-akyat. Member sila ng iba't iba uri ng mountaineering club at present maging sa urban gathering ng mga namumundok. Sila iyong umaakyat kada weekend. Masayahin sila at bida sa kwentuhan pagdating ng socials. Maging sa bahay ay naglalatag sila ng tent at doon natutulog. Mas gusto nila kapag brownout upang magamit nila ang kanilang headlamp. Tuwang tuwa sila kapag naubusan ng gasul sa kadahilanang magsasaing sila gamit ang camp stove at cookset nila. Sila iyong naka-trek shorts pag naglalakad sa mall at may dala-dalang backpack or neck wallet saan man mapunta. 

Mayroon ding umaakyat for the fashion of it. sila iyong akala mo'y models ng Deuter, Coleman, The North Face, Nalgene, Columbia, Merrel, Timberland, Camelbak, atbp. Pawang sosyal at branded ang kanilang mountaineering gears. Kaya naman sila ang kadalasang binibiktima ng mga tulisan sa mga hotspots gaya ng Mt. Sembrano at Mt. Romelo.

Mayroon ding umaakyat upang makakuha ng magagandang larawan ng kalikasan. Sila iyong mga nagdadala ng malalaking mga camera na may mahahabang lente. Pati taghiyawat ay kitang kita sa kanilang mga kuha. May kilala akong nag-a-astral photography sa itaas ng bundok. Astig!!! Kayang kuhanan ang venus and other galaxies.

Mayroong umaakyat sapagkat alam na! Pag socials, may inuman. Mayroon din namang umaakyat na mga herbalist. Sila po iyong mga magdadamo at nagpapatugtog ng reggae songs sa trail.

Mayroon ding mga umaakyat dahil ibig nilang makalanghap ng sariwang hangin, makawala sa nakakapikon nilang boss, makatikim ng bangis ng limatik, at makakita ng carnivorous na halaman. Sila iyong mga tinatawag  na adventurous. May iba namang sadyang mahilig sa galaan.

Mayroon ding happy campers kung tawagin. mas gusto nilang tumira sa tent, magluto sa portable stove at makapag-bonfire sa gabi.

Mayroon namang mahihilig umakyat sapagkat ibig nilang makakilala ng ibang tao at palawigin ang kanilang clout. Sila ang mga tinatawag na sosyal klaymers!

Ang pinakabagong uri ng mga namumundok ay ang tinatawag na Facebook Mountaineers. Sila iyong aakyat upang makapanguha ng magandang piktyur sa tuktok ng bundok upang gawing profile picture or cover photo. Todo update sa status nila mula bahay hanggang jump-off point hanggang trail hanggang summit hanggang socials hangang post-climb meeting. 

Bakit nga ba ako umaakyat? Naitanong ko ito sa aking sarili habang iniisa-isa ang mga kultura ng mangangakyat na pinoy. Ang aking dahilan sa pag-akyat ay medyo may pagkamakasarili. Noong una akong umakyat, ibig kong makalimutan ang aking problema sa pag-ibig noong mga panahong iyon. Naalala ko ang tinuran ni Frankie noong malaman niyang hindi siya makakasama sa naturang akyat: "Huwag ninyong iiwanang mag-isa si Ate Ella at baka tumalon iyan sa bangin." Sa awa naman ng Diyos, hindi naman sumagi sa aking isipan ang naturang ideya.


Umaakyat ako sa bundok sa kadahilanang ibig kong malibang, ibig kong kalimutan ang kapangahasan ng buhay sa siyudad, ibig kong pagtibayin ang aking ispirituwalidad, ibig kong makaisa ang inang kalikasan, ibig kong ma-outgrow ang aking hika, at ibig kong palawigin ang aking pagtingin sa sarili. ang pag-akyat ng bundok ay nakakapagbigay sa akin ng kakaibang kaligayahang hindi ko lubos na maipaliwanag.

Bagaman at hindi sang-ayon ang aking pamilya sa aking pamumundok sa kadahilanang ako ay clumsy na tao na kahit sa kapatagan ay madalas maaksidente nang mag-isa, umaasa pa rin ako na isang araw, maiintindihan nila at sasang-ayunan na dahil sa pamumundok, ako ay nagbago sa magandang paraan.

Inaamin ko, ako ay napakaarteng tao ngunit walang angas at napakamatatakutin sa maraming bagay. Sa pamumundok, marami akong phobia na na-conquer at ang mga ito ay agoraphobia (takot sa open space), nyctophobia (fear of the dark), acrophobia (fear of heights), phasmophobia (fear of ghosts), xylophobia (fear of forests), myrmecophobia (fear of ants) tsaka ophidiophobia (fear of snakes). Masasabi ko ring likas sa pagiging mountaineer ang pagiging maangas--minsan magandang angas, minsan naman ay pangit na klaseng angas. Sa tingin ko naman ay magandang klase ng angas ang nasagap ko. At aaminin ko, medyo natanggal ang mga kaartehan ko sa katawan simula ng ako ay umakyat.

Sa pag-akyat din nagkakaroon ng outlet ang pagiging masokista ko. Ngayon ay hindi na ako pumapayag na gulpihin ng kahit na sino. Tama na ang sakit ng katawan dulot ng pagbubuhat ng napakabigat na back pack at paglalakad ng mahaba. Tama na ang mga sugat na dulot ng mababangis na insekto at mga matatalim na dahon ng mga damo at ng mga nakausling bato o sanga ng punongkahoy. Tama na ang mga pasang dulot ng malalaking bato na kinapitan ko o ng kasamahan ko na biglang gumulong o ng batong pinag-ipitan ko ng sarili ko upang ako'y hindi malaglag sa bangin. Tama na ang mga ito...

Tuwing ako ay nasa tuktok ng bundok, pakiramdam ko'y napakalapit ko na sa langit. halos mayakap ko na ang mga ulap, masungkit ang mga bituin at mahalikan ang buwan. Dito, kapantay at minsan pa nga ay nalalampasan ko ang kakayahang pisikal ng isang lalake. Napakasarap ng pakiramdam. Doon ay inaatake ako sa hika. nakakatakot ito, ngunit sa kabilang banda ay na-a-appreciate kong lalo ang aking buhay. Ayyy, tao pala ako at hindi robot... Doon ay nakakaramdam ako ng kakaibang yabang--narating ko ang isang lugar na bihirang marating ng karamihan. doon, ako ay ibang tao--mas matapang, mas malakas, mas ispirituwal, mas astig!

Ikaw, ano ang dahilan mo sa pag-akyat?

No comments:

Post a Comment